Ang tarsier sa Blaan ay
pinangalanang Mal. Ang hayop na ito ay makikita kalimitan sa Tampakan sa Bong
Mal at Tukay Mal. Ang mga pook na ito ay pinnagalanang mal dahil sa taglay
nitong yamang hayop na mal o tarsier. Mayroong
dalawang klase ng Tarsier, may mga malalaki at maliliit, ang malalaki na
tarsier ay tinatawag sa Blaan na Bong Mal habang ang mga maliliit naman ay
Tukay Mal. Ang mga maliliit na Tarsier ay klase ng tarsier na matatagpuan
lamang sa rehiyon 12, ito ang klase ng tarsiers o mal na wala sa Visayas lalo
na sa Bohol.
Ang mga Blaan noon ay
naniniwalang ang mga mal noon ay mga tao din. Ang mga taong ito ay dinala ni
Maleh (Panginoon) sa kalawakan upang mamasyal. Nang sila ay nasa kalangitan na,
pinakain sila doon ni Maleh. Agad silang naghanap ng dahon na gagawing pinggan.
Nakita nila ang dahon ng pine tree at sinubukang tupiin at gawing pinggan.
Ngunit hindi nila ito nagawa dahil mahuhulog ang mga butil ng bigas na kanilang
inillalagay sa loob nito. Kaya nagsimula silang magreklamo sa isa’t-isat. Ayon
sa kanila, mabuti pa daw ang dahon sa lupa at nagagawa nilang pinggan. Nang ang
mga reklamong ito ay umabot sa Maleh, agad silang hinulog sa lupa bilang parusa
sa di-magandang asal na kailang ipinakita. Habang sila ay bumubulusok pababa, tinapunan sila ni
Maleh ng sandok, at ito’y dumikit sa kanilang mga puwit at naging buntot.
Sila’y naging mga ungguy at mal. Ang iba sa kanila ay naging mga ibon sa gubat.
Ito ang paniniwala ng mga Blaan sa mal.
Ang mga mal na ito ay
hinuhuli ng mga mangagasong Blaan upang alagan. Hindi nila ito kinakatay at
kinakain tulad ng ibang hayop na kanilang mahuhuli idahil nga sa paniniwalang
ang mga ito ay kanilang mga ninunu na hinulog ni Maleh. Ang mga Blaan ay
naniniwala na kung ang luha ng mal ay hnidi malinaw, ibig sabihin ikaw ay
mamatay dahil sa katandaan o di kaya’y dahil sa sakit. Ngunit kung ang luha daw
ng mal ay kulay pula, ibig sabihin nito ay mamamatay ka dahil sa matinding
sakuna o di kaya’y may papatay sa iyo. At dahil sa paniniwalang ito ang mga
katututbong Blaan noon ay hindi aalis ng bahay na walang dalang sandata bilang
panangga sa kalaban o mga taong masasalubong sa daan. Isa ito sa mga dahilan
kung bakit napakadaling pumatay ng mga
katutubong Blaan noon dahil nanininwala silang sila’y papatayin ng kanilang
makasalubong sa daan. Ngunit ang ganitong paniniwala sa ngayon ay tuluyan nang
nawala sa mga katutubong Blaan dahil na rin sa paglaganap ng edukasyon,
pakikipagkaibigan sa mga di-katutubong Blaan at pakikisalamuha sa iba pang
pangkat etniko. Kung mayroon mang patayan sa ngayon sa mga katutubong Blaan ito
ay dahil sa isyu ng lupa, mga ari-arian, at utang. Tapang at takot lamang ang
naging bunga ng paniniwala ng mga katutubong Blaan sa luha ng mal.
Sa ngayon, ang mal ay
kabilang na sa tinatawag na endangered specie
dahil paunti nang paunti ang mga hayop na ito sa gubat. Sa Mt. Matutum,
may mga mal na makikita dito ngayon ngunit ayon pa sa mga Blaan ang mga ito daw
ay pag-aari ng mga engkanto.
Photo Courtesy of Louie Pacardo of AVLADA
Karamihan sa mga Blaan
ngayon ay hindi na nakahiligan ang
pangangaso at wala na rin sa kanilang mga hilig ang paghuli at pag-alaga
ng mal dahil sa hindi na ito makikita kung saan-saan at dahil na rin sa
pagbabago ng paniniwala at pamumuhay ng mga bagong sibol na mga katutubong
Blaan.
No comments:
Post a Comment